Mga OFW sa UAE ipapa-deport umano sa Abril, DOLE tiniyak na 'fake news'
Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) na isang
'fake news' ang balitang kumakalat umano sa online ng malawakang pagpapa-deport
ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa United Arab Emirates (UAE) ngayong
darating na Abril.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang balitang
iyon ay naging usap-usapan na sa mga kapwa OFW sa UAE na nagdudulot na umano ng
pagkalito at pagkabahala.
Kinumpirma ni Labor Attache Alejandro Padaen ng Philippine
Overseas Labor Office, International
Labor Affairs Bureau, na sinabi ng mga opisyal ng UAE na walang katotohanan ang
bali-balita.
Ayon kay Padaen, sinabi mismo sa kanya ni Dr. Omar
Abulrahman Salem Alnuami, Assistant Secretary for Communication and
International Relations of the Ministry of Human Resources and Emiratisation
(MOHRE) na isa itong malaking 'fake news.'
Ang executive director na si Asmaa Alamadani ng MOHRE’s
International Bilateral Relations Department ay nakipag-ugnayan na rin umano
kay Labor Attache Felicitas Bay of POLO Dubai na kapwa tiniyak na walang
magpapatotoo sa balitang iyon.
Ang nag-viral na artikulong iyon ay lumaganap na hindi
lamang sa UAE maging sa tulad nitong Gulf Cooperation countries sa Kingdom of
Saudi Arabia at Oman.
Nakasaad umano sa artikulo na aalisin sa trabaho at
ipade-deport ang mga dayuhang manggagawa sa UAE sa 35 kategorya ng trabaho na
may edad 40 pataas.
Kabilang sa mga trabahong nabanggit ay ang mga pharmacist,
medical secretary, administrative clerk, human resource officer, receptionist,
treasurer, librarian, security guard, purchasing manager, debt collector,
cashier at tour guide.
Paraan daw nila ito upang malunasan ang unemployment crisis
na dinadanas ng kanilang emirate at mabigyan din umano ng oportunidad sa
trabaho ang mga citizen ng UAE tulad ng mga bagong graduate.
Mga OFW sa UAE ipapa-deport umano sa Abril, DOLE tiniyak na 'fake news'
Reviewed by RAKETIRONG PINOY
on
8:08 AM
Rating:
Post a Comment