Ads

21 anyos na OFW na kakasalta lang sa Australia, patay matapos umanong tumalon sa umaandar na sasakyan


Pumunta sa Australia upang makipagsapalaran ang isang 21 anyos na agriculture graduate sa pangarap na makamit ang magandang buhay ngunit sa kamalasan ay wala pang isang buwan nasawi dahil umano'y tumalon mula sa umaandar na sasakyan.

Kinilala ang biktima na si Jerwin Royupa, na nanunuluyan sa Calasiao, Pangasinan at kakatapos lang sa kolehiyo nang magpasyang maging isang overseas Filipino worker (OFW) sa Australia.



Sinikap niyang mangibang-bansa at maswerteng natanggap sa isang malaking farm doon nito lamang Pebrero.

Ngunit hindi pa man tumatagal sa trabaho ay nagpahiwatig na ito ng hirap na dinadanas doon ayon sa kanyang mga chat sa kapatid.

Ayon sa kapatid ng biktima na si Jamaica Buraga ay napag-usapan nilang dalawa na gusto nang umalis ni Jerwin sa pinagtatrabahuan at di umano'y nagpa-booked na ito ng flight sa katapusan ng Marso.

Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari ay malamig na bangkay na itong uuwi sa kanila.

"Nasa hospital daw 'yung kapatid ko. Naaksidente at kritikal daw. He suffered critical bleeding sa head, chest and abdomen niya," sabi ni Jamaica.

Dagdag pa niya ay hinahanda na nga ng kanyang kapatid ang pag-uwi kaya hindi siya naniniwala na magagawa nitong tumalon sa isang umaandar na sasakyan.

"Mayroon po kaming usapan ni Jerwin na March 30 ang binook na flight, so paano mangyayari na March 14 ihahatid na siya?" Ani Jamaica.

Ibinunyag din niya na kinuha umano ng amo ni Jerwin ang passport nito base sa mga isinumbong nito sa kanya sa chat.

Sa ngayon ay nananawagan ng tulong ang pamilya ni Jerwin na magkaroon ng mabusising imbestigasyon ang kaso at humihiling na kahit isang kapatid lamang ang makapunta sa Australia para malaman ang katotohanan at kung sangkot bang talaga ang amo nito.

"Gusto rin po sana namin na mapapunta 'yung kapatid naming isa for the investigation and filing of charges against the employer. Hindi po talaga kami naniniwala na gagawin, niya 'yon" dagdag pa niya.

Nito lamang Biyernes ay nabigyang pansin ng partido ACTS-OFW Party-list, ang isa sa kinatawan nito na John Bertiz III, isang mambabatas ang kaso ni Jerwin kung saan sinabi niyang tutulong umano siyang makuha ang hustisya at katotohanan sa kaso ng kaawa-awang bata.

“We send our deepest condolences to the family of Jerwin Royupa and we will work closely with concerned agencies and the government of Australia to personally find out what really happened to Jerwin while he was working there,” ani Bertiz.

Dagdag pa ng mambabatas ay makikipag-ugnayan siya sa pamilya ng biktima at tutulong din siya sa mga pangangailangan ng naulilang pamilya habang inaayos ang kaso ng binata.

Sa ngayon ay inindorso na rin ni Alex Ferrer, Provincial Employment Services Officer ng Pangasinan ang kaso ni Jerwin sa Department of Foreign Affairs at sa iba't iba pang ahensya sa gobyerno na makakapagbigay tulong sa pamilya ng nasawing OFW.
21 anyos na OFW na kakasalta lang sa Australia, patay matapos umanong tumalon sa umaandar na sasakyan 21 anyos na OFW na kakasalta lang sa Australia, patay matapos umanong tumalon sa umaandar na sasakyan Reviewed by RAKETIRONG PINOY on 9:12 AM Rating: 5