OFW sa Jeddah na nagviral dahil sa pagkain ng basura, nakaligtas na
Isa na namang overseas Filipino worker sa Jeddah, Saudi
Arabia ang nakaligtas matapos nitong magviral sa social media dahil sa mga
kuhang larawan at videos habang siya ay kumakain ng mga tinapong pagkain sa
basurahan dulot umano ng mapang-abusong amo.
Nanilbihan ng halos dalawang taon bilang isang kasambahay si
Gina Abcede sa kanyang amo na di umano'y anim na araw na siyang kinukulong sa
gabi para hindi pakainin.
"Pagka-sixth day na wala akong makain kasi naka-padlock
ako gabi-gabi, para akong magko-collapse na talaga ... walang tutulong sa akin.
Paano kung mamamatay ako? Iniisip ko na lang po na pumunta sa basura po kasi
meron naman po yung ibinabasura ko na tira-tira ng mga amo ko, yun na lang
naisipan ko para makainom din ako ng gamot, kinain ko talaga yung basura,"
ika niya.
Nang magkaroon siya ng pagkakataong komprontahin ang amo
kung bakit siya hindi pinapakain at kinukulong, sinabi nito na parusa niya iyon
dahil sa hindi niya pagsunod sa hinaing ng anak nito at pati na rin sa paghingi
niya ng day-off sa trabaho.
Ayon sa kanya, ang pagkain ng mga tira-tira sa basura ang
nakaligtas sa kanyang kumakalam na sikmura sa isang linggong lumipas.
Hanggang sa pampitong araw ay doon na niya naisipang kumuha
ng mga larawan at videos para ipadala sa kanyang kaibigan at makahingi na ng
tulong.
Ipinadala niya ang mga kuha sa kaibigang si Leona Garcia
Artiaga na agad namang ibinahagi sa social media.
"At the time, I was having a cup of coffee. I cried to
see the heartbreaking video and shared the clip, telling Abcede to stay strong
because she will be rescued soon," ani Artiaga.
Umani ng maraming reaksyon ng pagkaawa sa video ni Abcede at
karamihan sa mga netizens ay nananawagan ng tulong para sa kanyang kaligtasan.
Nakarating ang kaniyang panawagan sa Ang Kaagapay Ng Bawat
OFW Advocates, POLO officials sa Jeddah na tumulong sa kanya upang makaalis sa
poder ng kanyang amo.
Lubos ang pasasalamat ni Abcede sa mga taong tumulong at
nagbigay-daan sa kanyang paglaya sa malupit na amo.
"Masaya na po ako. Ang gaan ng feeling ko po kasi naka
labas na po ako ng bahay ng employer ko," sabi niya.
Samantala, ikinatuwa naman ni Saudi Arabia Labor Attache
Nasser Munder ang agarang pag-rescue ng POLO officials sa kaawa-awang OFW.
Pinanawagan rin niya sa lahat ng mga inaabusong OFW na agad
sumangguni sa kanilang tanggapan o sa mga ahensyang makakatulong upang
maaksyunan kaagad ang kanilang suliranin sa mga mapang-abusong amo.
Sa ngayon ay pinoproseso na ang pag-uwi ni Abcede sa
Pilipinas at ang kasong kakaharapin ng kanyang amo.
OFW sa Jeddah na nagviral dahil sa pagkain ng basura, nakaligtas na
Reviewed by RAKETIRONG PINOY
on
9:18 AM
Rating:
Post a Comment